Mary Edeza De Leon
Disyembre 10, 2010
Sabay ng paglipat
Sa pahina ng kalendaryo,
Sabay ng pagalpas
Ng nakapiit na kahapon,
Hinarap ko ang bukas
At inalis ang pangambang hatid
Ng nakaambang ngayon.
Sa pagsapit ng madaling- araw,
Sapat nang babala
Ang paggising at pagtilaok
Ng naalimpungatang tandang
Upang tuluyang gisingin
Ang natutulog kong diwa
Nag hudyat ang umaga
Na sumiwang sa nakaawang na bintana
Inalis ang agiw sa mga mata,
Naginat upang alisin
Ang ngalay ng gabing nagdaang
Ramdam pa sa higaan.
Sumapit ang tanghali paglaon
Ramdam ang hapding hatid
Ng tirik na araw
Na dumidila sa balat
Na tigib sa init,
At di namalayang
Paparating na ang gabi
Sa pagsilip ng buwan
Na naghihintay ng kasagutan.
Sumapit na muli ang hatinggabi
Ang kahapong pilit kinalilimuta’y ngayon,
Ang bukas ay ngayon
At ang ngayon ay isa ng kahapon.