Monday, September 28, 2009

Para

Gusto kong tumula ng hindi ginagamit ang salitang galit, pagkamuhi o kung ano ano pang salitang may kaparehong kahulugan, kaya nagbabasa ako upang makahanap ng ipapalit na analogy o symbol para itula ang mga salitang ayaw kong sabihin pero dapat kong pakawalan.
Marami. Maraming marami akong gustong sabihin kay dapat dagdagan ko pa ang pagbabasa at pananaliksik upang mabigyan ko ng buhay ang mga nagmumultong salita na namamahay sa babasagin kong dibdib at diwa.
Marahan. Unti-unti kong ilalabas at palalayain ang diwatang sa loob ng katauhan ko. Dahil kagaya ng ibang manunulat na narating na ang rurok ng kaligayahan sa piling ng tula ay ninanais ko rin yung maranasan.
Wala man akong masyadong karanasan katulad ng sa kanila, malaki ang pasasalamat ko na walang pagdadamot nilang ibinabahagi ang karanasang hindi magtatagal ay magiging karanasan ko na rin. Hindi magtatagal, makakasabay ko rin sila sa paglalakad sa parehong kalsadang kanilang nilalakaran. At pinapangarap kong makapalitan din sila ng mga kuro-kuro, makakwentuhan tungkol sa buhay-buhay at matuto mula sa kanilang karanasan bilang nanay, ate, tita, lola, makata, babae at tao.
Dahil naaaliw ako sa pagiging dynamiko ng mga babae. Kasing ganda ng hubog ng kanilang katawan at kasing misteryosa ng kanilang mga tingin ang tulang kanilang nagagawa. Punong-puno ng damdamin, punong-puno ng pagmamahal, punong-puno ng pagiging babae.
Palagi kong maiisip ang mga salita ni Rebecca Anonuevo sa mga mapaglimi niyang tula , "walang pagtatakwil sa pinagtutukuyan o pagkapahiya o paghingi ng paumanhin"
Isa lamang siya sa maraming babaeng manunulat at makata na aking hinahangaan at hinuhugutan ng lakas at inspirasyon. Dahil sabi nga ni Ruth Elynia Mabanglo, mahirap maging babae sa panahon ngayon.
Nakakatuwa rin na unti-unti ng nagbubukas ang pintuan ng panitikan para sa mga kababaihan. Mapalad ako na hindi ko naranasan ang rebolusyon noong unang panahon o ang Martial Law. Pero alam ko na mas malaking rebolusyon ang kinakaharap ko, dahil marami pa akong kailangang kalabanin na pagaalinlangan, takot at kawalang tiwala sa sarili. Marami pang piraso ng aking sarili ang nagtatalo sa sarili nitong bahagi, kalat-kalat at kailangan kong pulutin at pagdikit dikitin.
Gayunpaman, hindi ako nawawalan ng pagasa na mahahanap kong muli ang pintuang minsan kong tinalikuran, ikinandado at hanapin ang susing itinapon. Matatagpuan ko rin ang lagusan patungo sa mundong pilit kong kinalimutan na ni minsan hindi ako nilimot.
Kung paano kong natagpuan ito noon, ganun o sa mas kakaiba at mas malikhaing paraan ko ito matatagpuan ngayon. Dahil wala ng mas sasakit pa sa panghihinayang na hindi ko manlang nasubukang balikan ang pagsusulat dahil sa kahihiyang wala naman silang pakialam. Dahil sa pagkakamaling hindi ko manlang sinubukang maitama. Kung saan ako huhugot ng lakas ng loob, ako na ang bahala dun basta babalik ako, sa ayaw at sa gusto ko.

No comments:

Post a Comment